Thursday, December 3, 2009

insomyak

Minsan hindi ko alam ang gusto kong gawin sa buhay ko. Nalilito ako. Gaya ngayon, hindi ako makatulog kaya bigla akong napasulat ng wala sa oras. Para kasing nasira ang routine ko kaninang hapon nang umuwi ako ng maaga sa bahay galing eskwela. Hindi ganun ang routine ko.

1:02am na. Hindi pa rin ako makatulog. Sinubukan ko nang gawin ang mga dapat kong gawin pero parang may kulang pa din. Meron akong kung anong ewan na hindi ko malaman. Hindi ko na maintindihan yung librong binabasa ko. Pinahihirapan ako ni Foucault sa kanyang diskurso tungkol sa power and knowledge.Wag kang mag tawa diyan. Ako ay beginner lamang kay Foucault.Pinaliit niya ng pinaliit yung konsepto ng kapangyarihan hanggang sa ang pinanggagalingan nito ay di ko na malaman. Hindi na daw sa estado at hindi na rin sa mga dominanteng uri o grupo nagmumula ito.Nalilito nako.Wag ka mag alala binitawan ko na yung libro. Hindi na pumapasok sa isip ko yung mga sinasabi niya.May iba akong iniisip habang binabasa siya.


Iniisip ko, magtuturo ako ng gender issue bukas pero hindi ko pa nirerebyu yung peminismo. Ang dami kong trabaho. Pagdating naman ng hapon magtuturo pa ako ng hegemony ni Gramsci, di bale yun, ok lang, medyo, medyo lang naman, kabisado ko na talakayin yun. Tapos nun may pupuntahan pa akong forum ng The Catalyst magsasalita pako. Wala na kasi silang dyaryo, hala kayo.


Ang dami dami kong dapat gawin. May mga report pa ko sa masteral sa sabado, pagagampanin pakong jesus nung isang titser ko sa play para sa Christmas presentation sa isang subject, gaddemit! Jesus? “are you talking to me my son?” Porket ba mahaba ang buhok at may bigote jesus na?. Di bale, ako lang ang jesus na may tattoo at mukang adik. Siguradong magtatawa ang mga tropa pag nagkataon. Naiisip ko na ang mangyayari. Komedi show ang kalalabasan nito sigurado. ampangit!


Tapos pinapa-katay pa samin ni Ka Roger yung mga akda niya na nabasa namin. Ang hirap kaya nun? Sino ba naman kami para mangatay ng sumulat nung Saan papunta ang mga putok? Ang mundo sa paningin ng isang… at editor in chief dati ng Pinoy Weekly? Bugoy lang kaya ako? Kahit pa sabihin samin ni Ka Koger na wag naming isipin yung sasabihin niya di ko magawang gawin yun e. Kalimutan muna daw namin yung mga teorya at yung mga sasabihin niya, isulat lang daw namin yung mga sarili naming obserbasyon sa mga akda niya. Sa sabado na namin ipapasa yun. Wala pa akong naisusulat hanggang ngayon.


Sana magawa ko.


Sa dami ng nakatambak kong gawain hindi ko talaga alam kung anong dapat kong unahin.Hindi rin naman ako nagugutom, busog ako, hindi rin naman ako lasing. Sana nga lasing na lang ako para nakatulog nako kaya lang wala naman akong pang-inom. Ang tagal kasi ng sahod. Bwisit na yan. Buong nobyembre kami hindi sumasahod. Tapos pag sahod kaltas nang kaltas pa ng kung ano ano. Kaltas ng ganito, kaltas ng ganun, may bawas sa ganito kasi may utang ako sa ganun. Kabuwisit talaga. Kaya sa sahod ko wala nang natitira.


Naalala ko, kaya pala parang hindi kumpleto ang araw ko may ibang nangyari kanina. Binlow-out kami ng nanay ko kanina sa isang eat all you can na restaurant. Oo first time ko yun. Tanga na kung tanga. Hindi ko talaga type ang pumunta sa mga ganun. Anibersaryo kasi ng nanay at tatay ko kaya nilibre kami ng nanay ko. Lahat kaming magkakapatid hanggang sa manugang at apo. Nabusog ako. Pero hindi ako gaanong natuwa sa pagkain.(masamang anak!) Parang makikita mo lang din yung mga pagkain dun sa mga ordinaryong handaan. Pero ok na din, mas mahalaga na buo yung pamilya at sama sama kesa kung ano pa man, kaya nilantakan ko na lang yung kaisa isang pagkaing natuwa ako sa lasa, yung bake mac. Yun medyo masarap yun. Halos mapagod ako sa kaka-kain para sulit naman yung bayad namin.


Medyo kakaiba din talaga ako kanina. May pagkatahimik ako na hindi ko malaman. Hindi naman ako ganun dati. Basta parang lahat ay biglang hindi na naging normal para sakin. Para talagang may kulang sa akin na hindi ko malaman. Parang sa mga ganung okasyon dati meron pa kaming isang kasama na di ko na maalala. Hayaan mo na.


Hindi pa din ako makatulog. Pero sumasakit na yung tiyan ko.

Naalala ko na. Ito pala yung isang problema ko.

Kailangan ko munang pumunta sa inidoro.